Naaasar ako!
Hindi, pakiramdam ko'y naaasar ako, oo naaasar nga ako. Kanino? Saan? Bakit? Kailan? Paano? Mga tanong na kapag pauli-ulit kong tinatanong sa aking sarili, alam kong mabibigyan ko ng sagot.
Baka, hindi lang ako basta naaasar, pakiwari ko, sa nadarama ko, tila ba, nagpupuyos sa galit ang aking dibdib! Kanino? Sa kanya na 'di marunong umunawa sa sitwasyon. Sa kanya na hindi alam ang salitang "konsiderasyon," sa kanya na walang ibang alam kundi ang maging makasarili! Hindi ko alam kung paanong inabot niya ang kinaroroonan niya ngayon na hindi man lang nakauunawa ng pagkakaiba-iba ng mga bagay, lalo na sa mga simpleng salita na may malaking pagkakaiba sa isa't isa!
Habang isinusulat ko ang mga salitang parang bukal na umaagos sa aking kaisipan, naiisip ko na hindi lang pala ako basta nagagalit sa kanya... marahil ay napopoot ako, kung kaya't hindi maapula ang apoy sa aking puso't isipan. Anomang tubig ng pagiging kalma at mapagpasensya ay hindi kayang apulahin ang apoy na kumakain sa aking buong pagkatao... saan? Sa isang sitwasyong hindi ko alam kung naiintindihan niya ba o hindi? Akala ko ay sapat na ang kanyang dunong upang unawin ang mga bagay na nakapaligid sa kanya, pero kahit na anong paliwanag ko sa kanya ng mga bagay na dapat niyang malaman, tili ba bulag siya sa pagtingin sa nakalantad na katotohanan.
Kailan ba nagsimula ang lahat ng ito? Nagsimula ang lahat sa isang bagay na 'di niya kayang unawain! Ang sabi niya, kailangan ko raw ng tamang pagmamanipula ng oras, ngunit kung oras lang naman ng pag-uusapan, sa aming dalawa, alam kong siya ang may malaking pagkukulang sa oras na hinihingi niya na hindi ko na kayang ibigay. Sa mga sandaling ito, ang oras na hinihingi niya ay iginugugol ko sa pagsulat ng mga hinanakit at sama ng loob ko sa kanya. Napopoot na ba ako? Napopoot na ba ako sa kanya? Oo, napopoot na nga ako sa kanya! Ang kanina'y simpleng asar ay umabot na sa sukdulan, ngunit ito na nga ba ang sukdulan ng lahat? Mukhang hindi pa, hindi pa umaabot ang lahat sa hangganan!
bakit ako nagkakaganito? Sa isang banda, ang tanong ko sa aking sarili.
Simulang Panulat
Lunes, Hulyo 11, 2016
Huwebes, Oktubre 22, 2015
Nawalang Pangarap
Pangarap ni Romel ang maging isang Segment Producer sa
kanilang kumpanya. Alam niya at malinaw sa kaniya noon pa man kung ano ang nais
niyang maabot nang siya’y maging empleyado sa kanilang kumpanya.
Ngunit sa kaniyang posisyon ngayon sa kumpanyang
pinapasukan, masasabi niyang pangarap ngang maituturing ang pag-abot sa
kaniyang minimithing trabaho. Halos isang taon na rin siyang nagtatrabaho bilang
isang Production Assistant—trabahong ni minsan ay hindi niya naisip na gagawin
niya matapos siyang mag-aral.
Dahil nga nagtapos ng Cum Laude sa kanilang sintang
paaral na Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman si Romel, dala-dala niya ang
titulong pagkakakilanlan niya noong siya ay nag-aaral pa. Kaya ni sa hinagap ay
hindi lubos maisip na bilang isang Production Assistant ang gagampanan niyang
trabaho sa kanilang kumpanya.
“Okay na rin ito kaysa walang trabaho, marami nga ang
nagtapos dyan na tulad ko pero iilan lang talaga sa amin ay may matinong
trabaho” pampalubag loob na sambit sa kaniyang sarili.
Ngunit sa puso’t isip niya, nagtatalo ang mga kaisipang
dapat sana’y nasa mas magandang posisyon at yung gusto niyang trabaho ang
ginagawa niya kaysa kung ano ang kaniyang ginagawa sa kasalukuyan.
Utos dito, utos dyan… reklamo dito, sigaw at bulyaw dyan…
kaliwa’t kanan may inaasikaso, ikaw ang tiga-takbo ng mga kakailanganing props
sa isang production, isa ka rin sa mga tiga-buhat ng mga mabibigat na gamit na
gagamitin sa production, tiga-bitbit ng mga dalahin ng mga host o kung sinomang
artista ang kasama sa set—ang buhay niya’y umiikot ngayon sa ganitong uri ng
gawain.
Matrabaho, mabigat dalhin, minsan nama’y magaan ngunit
madalas, talagang naging bahagi na rin yata ng trabaho ni Romel ang magdala ng
sama ng loob dahil sa mga katrabahong hindi niya kapalagayan ng loob. Bukod dito,
naging parte na rin ng kaniyang pang-araw-araw na gawain ang magbaon ng
mahabang pisi ng pasensya at malalim na pang-unawa sa mga katrabaho.
“Romel, pakihugasan mo nga itong plato ko… at dalhin mo
sa opis ko” utos ng kaniyang bisor.
“Opo ma’am” magalang na sagot niya.
Walang hindi na hihindiang trabaho, isa sa mga bagay na
nawala sa pagkatao ni Romel, dahil lahat ng trabaho madalas siya ang gumagawa,
minsan nga’y kahit hindi niya trabaho ay sa kaniya pinapatapos at pinapatrabaho
bagay na labis na ikinasasama ng kaniyang kalooban.
“Romel, ikaw ang maghahatid ng show ngayon!” Ani ng isang
katrabaho
“Magdadala ako ng tape sa GMA” sagot niya
“E di isabay mo! Isa lang naman pupuntahan mo di ba?
Hintayin mo na lang na matapos yung show para sabay mo ng maihatid!” mataas na
tonong sambit ng katrabaho
Hindi na nakaimik, mamumuo ang pagkabuyong nadarama sa
katrabaho, ngunit wala siyang magagawa kundi ang sumunod sa utos ng reyna ng
kanilang team.
“Romel, di ba ikaw ang gumawa ng CBB na ‘to? Bakit
mali-mali itong ginawa mo?” Ani ng isa pang katrabaho
“Ibinigay ko ng maayos ‘yan sa editor ng show e” sagot
niya
“E bakit mali?” Inis na tanong ng katrabaho
“Di ko alam e, basta ibinigay ko ng tama ‘yang CBB sa
editor” sagot niya
“Ayusin mo ‘yan! Trabaho mo hindi mo ginagawa ng maayos! Ang tagal na nito ha?”
bulyaw ng kaniyang katrabahong nangangalaiti sa galit.
Hindi na nagawang ipagtanggol pa ni Romel ang kaniyang
sarili sa hari ng kanilang team, naisip din niya kahit papaano na baka ang katrabahong iyon ang nasisi
sa pagkakamali na naganap.
Mali bang hindi ko ipagtanggol ang aking sarili sa mga
sinasabi nila? Mali ba na lumalabas na parang ako nalang lagi ang sumasalo sa
pagkakamali at galit ng ibang tao? Ako lang ba may mali? Saan ako lulugar? Ano’ng
gagawin ko para matapos na ang lahat ng ito? Mga tanong na isa-isang lumalabas
at pilit na kumakawala sa bugbog na isipang pagod na sa kaiisip ng mga taong
dapat pagpasensiyahan at unawain.
Maya-maya pa’y isang katrabaho na malapit sa kaniya at
maituturing na kaibigan ang lumapit ang pumawi sa tila apoy na isipang naghihimagsik.
“Uy Romel, kumusta? Kailan ka papanik?” Tanong ng
kaniyang katrabaho
“Di ko pa alam e, wala pa akong kapalit, sabi kasi ni Ma’am,
di raw ako pwedeng umakyat hanggat wala pa akong kapalit.” Sagot niya sa
ka-opisina.
“Ganun? Paano ‘yan? Maghanap kana ng kapalit mo!” Ani ng
katrabaho
“Para ngang ayoko ng umakyat e.” Sagot nito
“Bakit naman? Ayaw mo na bang maging researcher? Tanong ng
kaibigan na may pag-aalala sa kaniyang tinig.
“Nito lang kasing mga nakaraang araw, parang nawawalan
ako ng gana sa mga ginagawa ko, parang nawalan ako ng tulak… ng kasiyahan sa
mga bagay na ginagawa ko. Pakiramdam ko kasi parang pagod na pagod na ako.”
Sagot niya sa mahina at malamlam na tinig.
“Napagod ka ba sa kahihintay?” Tanong muli ng
nag-aalalang kaibigan
“Hindi. Parang biglang ayaw ko nalang.” Sagot nito
“Baka nga pagod ka lang at kailangan ng break.” Sabi ng
kaibigan
“Baka nga.” Sagot niya
Nagtapos ang kanilang pag-uusap na naiwian pa rin ang
katanungang tumatakbo ngayon sa isip ni Romel.
“Kung kailan ko naman maabaot na ‘yung hakbang patungo sa
pangarap ko tsaka ko naman parang gusto ng bitiwan ‘yung kung ano ‘yung matagal
ko nang pinanghahawakan.” Sambit ni Romel sa kaniyang isipan.
Sa di maipaliwanag na nadarama, sandaling ipinahinga ni
Romel sa isipan, ninanamnam ang malakas at nanunuot sa balat na hanging nagmumula sa air conditioner
na nakatutok sa kaniyang likod. Ang samo’t saring tunog at ingay na likha ng
yabag ng tao, pag-uusap at pagdadaldalan ng mga ka-opisinang kumakain sa
kanilang pantry, bagsak ng pinto, tunog sa pagtipa ng keyboard ng computer,
musika na naririnig sa youtube, paghilik ng natutulog na katrabaho—dinadama na
siya’y kabilang pa sa mundong ginagalawan. Dinadama na siya’y bahagi pa rin ng
kalikasan.
Sa kaniyang pagninilay-nilay, isang pamilyar na boses ang
sa kaniya’y tumatawag.
“Romel… Romel… pa-view naman ng show” tawag ng isang
editor
“Sige po, nandyan na po ako.” Sagot niya na umaasang
maagang matatapos ang show.
Miyerkules, Abril 29, 2015
Sinisimulang Landas
"State your name and your age" sambit ni Armand sa kapanayam, hawak hawak ang bolpen at papel habang isinusulat ang mga impormasyong kailangan niya sa pananaliksik.
Habang tumatagal at lumalalim ang usapan, unti-unting nakikita ni Armand ang ilang detalye na hindi niya magagamit sa pananaliksik ngunit patuloy pa rin siyang nakikinig sa ikinukuwento ng kinakapanayam.
"Ano'ng naging struggles mo sa pangyayaring iyon sa iyong buhay?" Tanong pa niya habang sinisikap niyang makuha ang mga impormasyong magpapakita ng kaniyang hinahanap.
Habang tumatagal at humahaba na ang usapan, unti-unting nakikita ni Armand ang lalim ng kwentong kanina pa niya gustong marinig sa kausap.
Sa gitna ng kanilang pag-uusap, nakabubuo ng kaisipan si Armand kung paanong sisimulan ang kaniyang planong isulat ang kwento ng kaniyang kinakapanayam. Malinaw sa kaniya kung saan magsisimula at saan magtatapos.
Alam na rin niya ang lalim at pokus ng kaniyang isusulat.
Matapos ang mahabang kwentuhan, umuwi na si Armand, dala-dala ang papel na sinulatan ng mga impormasyon--mula sa pinakamahalaga at pinaka hindi kakailanganin sa kaniyang sisimulang panulat.
Nang panahong iyon, biglang parang nawalang tulad ng bula ang mga kaisipang kanina'y tulad ng rumaragasang tubig sa kaniyang isipan. Napaisip siya... "paano ko sisimulan ang aking ginagawa?"
Habang tumatagal at lumalalim ang usapan, unti-unting nakikita ni Armand ang ilang detalye na hindi niya magagamit sa pananaliksik ngunit patuloy pa rin siyang nakikinig sa ikinukuwento ng kinakapanayam.
"Ano'ng naging struggles mo sa pangyayaring iyon sa iyong buhay?" Tanong pa niya habang sinisikap niyang makuha ang mga impormasyong magpapakita ng kaniyang hinahanap.
Habang tumatagal at humahaba na ang usapan, unti-unting nakikita ni Armand ang lalim ng kwentong kanina pa niya gustong marinig sa kausap.
Sa gitna ng kanilang pag-uusap, nakabubuo ng kaisipan si Armand kung paanong sisimulan ang kaniyang planong isulat ang kwento ng kaniyang kinakapanayam. Malinaw sa kaniya kung saan magsisimula at saan magtatapos.
Alam na rin niya ang lalim at pokus ng kaniyang isusulat.
Matapos ang mahabang kwentuhan, umuwi na si Armand, dala-dala ang papel na sinulatan ng mga impormasyon--mula sa pinakamahalaga at pinaka hindi kakailanganin sa kaniyang sisimulang panulat.
Nang panahong iyon, biglang parang nawalang tulad ng bula ang mga kaisipang kanina'y tulad ng rumaragasang tubig sa kaniyang isipan. Napaisip siya... "paano ko sisimulan ang aking ginagawa?"
Lunes, Abril 20, 2015
Para Kay Shella
Taglay na galing
"Ano ang ginagawa mo? Sabi ko sa iyo na tasahan mo na itong lapis at simulan mo ng sumulat."
Tinasahan niya ang lapis na nasa pagitan ng kaniyang mga daliri, kasabay ng pagpagpag ng mga upos ng lapis na kaniyang tinatasahan.
"Sa malikhain, kailangan may sining, sa realismo kailangan makatotohanan. Kailangan ko pa bang sabihin saiyo 'to? Alam mo na ito, matik na 'yun napag-aralan mo naman 'yun diba?"
O ano? Hindi ka pa ba nagsusulat? Bilisan mo! Marami pa akong i-e-edit na mga sinulat mo. Sinimulang sumulat, kumawala ang mga kaisipang isinulat sa papel ng kaniyang nagtataeng bolpen.
Nabigla siya sa nasaksihan. Pinigilan ng mga kamay ang bibig na gustong magpakawala ng malakas na tinig.
"Sige na, hayaan mo na siya! Bukas na bukas din ay ibibigay ko na ang mga kailangan mong dokumento." Huminga ng malalim bago tuluyang bitiwan ang kamera na kanina pa niya hawak. Sabay sabing "Ma'am, sige po aalis na po ako."
Linggo, Abril 19, 2015
Muntik Na Sanang Makaabot
Nilalang nga ng Diyos
ang tao ayon sa kaniyang larawan. Sila’y
Kaniyang nilalang na isang lalaki at babae.
Genesis
1:27
Mabilis
na tumatakbo si Roland patungo sa gate ng kanilang paaralan, mag-aalas-otso na
at tatlumpong minuto na siyang huli sa kaniyang unang klase. Habang papalapit
sa kaniyang pupuntahan ay paparami rin ng paparami ang mga mag-aaral na
nakikipag-unahan din sa pagpasok, ‘di alintana ang pawisang katawan dulot ng
pagtakbo, at sa wakas ay narating na rin niya ang nais puntahan. Sandaling
binuksan ang bag at kinuha roon ang I.D na isinukbit sa kaniyang leeg.
Nang makapasok ay agad na tumakbong
muli si Roland upang makahabol at ‘di mapagalitan ng propesor. Mabilis ang
paghakbang sa hagdan, mga dalawa o tatlong baitang ang pilit na inihahakbang ng
kaniyang mga paa. Narating ang ikalawang palapag, ikatlo at sa wakas, ikaapat,
huminto siya sa pagmamadali’t dahan-dahang naglakad patungo sa
kanilang silid.
Nang marating niya ang ikatlong
pinto ng kanilang pasilyo kung saan sila nagkaklase, gaya pa rin ng dati at ng
inaasahan ay naroon na sa loob ang kanilang propesor. Hindi na siya maaaring
pumasok pa at matitiyaga na lamang siya na makinig sa labas ng silid.
Laging ganito ang eksena na kaniyang
nararanasan tuwing araw ng Miyerkules at Sabado, mga araw na maaga ang kaniyang
pasok. Tipikal na ang dahilang trapik para sa ibang mga mag-aaral at kamag-aral
ni Roland ngunit hindi para sa kaniya. Hindi siya nahuhuli ng klase dahil sa
trapik, kundi sa dahilang walang maibigay na pambaon ang kaniyang mga magulang,
kaya’t
napilitan pa siyang maghanap ng mauutangan.
Naghanap siya ng mauupuan sa mga
silid na wala pang nagkaklase, nakakita siya ng isa at ipinuwesto iyon sa
bintana, tapat ng kanilang silid. Dinukot ang panyo sa kaniyang kaliwang bulsa
at pinunasan ang basang leeg at noo ng pawis. Noon lamang niya nakitang masama
pala ang pagkakatitig sa kaniya ng kanilang propesor.
Kinabahan siya, nararamdaman na
naman niyang may hindi magandang mangyayari matapos ang kanilang klase.
Si Roland ay nag-iisang anak ng
mag-asawang Boyet at Pacita, kapwa mga trabahador sa pabrika ng plastikan sa
may Avenida na nagtataguyod sa kaniyang pag-aaral. Nasa ikaapat na taon na si
Roland ng kaniyang pag-aaral sa kolehiyo, nagpapakadalubhasa sa pagiging isang
arkitekto.
Kapwa man may trabaho ang
kaniyang mga magulang, hindi pa rin iyon sapat upang matugunan ang lahat ng
kanilang pangangailangan. Nakatira lamang sila sa isang paupahang bahay kaya’t
malaking bahagi ng kinikita ng kaniyang mga magulang ang napupunta rito.
Sa kabila ng paghihikahos ng
kanilang buhay ay pilit pa ring pinag-aaral si Roland ng kaniyang mga magulang
sa pag-asang ito ang mag-aahon sa kanila sa estado at kalagayan ng kanilang
pamumuhay. Kunsabagay, ilang buwan na lamang ang bibilangin at magtatapos na
siya ng pag-aaral, kaya’t labis ang kaniyang pagsisikap na
ginagawa upang masuklian ang hirap at sakripisyong ginagawa ng kaniyang mga
magulang.
Kumalam ang kaniyang sikmura,
nahihilo siya at halos ‘di na maunawaan ang tinatalakay ng
kanilang propesor. Madalas kasing pumapasok si Roland na ‘di
nag-aagahan, bukod sa madalas siyang mahuli sa klase ay madalas din siyang
hindi kumakain. Kahit na tuwing tanghali at hanggang hapon pa ang kanilang klase ay ‘di
siya nagtatanghalian, tinitiis ang gutom, masiguro lang na kinabukasa’y
may pera pa siyang magagamit papunta sa kanilang paaralan.
Lumipas ang mga oras at ramdam din
niya ang unti-unting panghihina, hanggang sa tuluyan nang natapos ang kanilang
klase’t
lumabas na ang kanilang propesor. Sandaling tumigil sa kaniyang harapan si Mr.
Santiago at sinabing, “Late ka na naman sa klase ko, pumunta
ka mamaya sa office ko at mag-usap tayo!”
At iyon nga ang bagay na
kinatatakutan ni Roland na mangyari, ang magpunta sa office ni Mr. Santiago,
naisip niyang pagagalitan na naman siya nito at sasabihing kailangan nitong
makausap ang kaniyang mga magulang.
Dahil nga sa madalas na mahuli ng
klase si Roland, minsan ay hindi ito nakapagsususlit sa asignatura ni Mr.
Santiago, naaalala pa nga niyang sa pitong pagsusulit na ibinigay nito’y
isa lang ang napasukan niya ng maaga, ang iba’y
hindi na niya nakuha. Matalinong estudyante naman si Roland, nakikipagsabayan
sa kaniyang mga kamag-aral, ngunit sa tuwing nagkaklase sa kanila si Mr.
Santiago, siya ang laging tinatawag nito na para bang siya lang ang mag-aaral
na tinuturuan nito.
Ang ganitong eksena sa loob ng kanilang silid-aral ang madalas na kinakaharap ni Roland, maging ang kaniyang mga kaibigan at kaklase ay naaawa rin sa kaniya..
Pinagtitiyagaan na lamang niya ang mga bagay na ito, pasasaan pa’t
malapit na rin namang matapos ang kanilang klase kay Mr. Santiago at makakawala
na rin siya sa symbolic violence ng guro.
Bawat sandali ay kaniyang
pinangangambahan, ayaw niyang dumating ang oras na matatapos ang kanilang
huling klase. Alas-sais ang tapos ng huling klase at wala siyang ibang
hinihiling kundi sana’y umuwi na ang kinatatakutang propesor
at makalimutan na nitong may pag-uusapan pa sila. Ngunit ang dasal na ito’y
tila ‘di
sinasagot ng nasa itaas nang makita niyang nagtungo msa kabilang silid, tabi ng sa kanila
si Mr. Santiago.
Natapos ang kanilang klase’t
‘di
pa rin natatapos ang klase ni Mr. Santiago sa kabilang silid, , napag-isip-isip
niyang umuwi na lang habang nagtuturo pa ang propesor, ngunit sumagi rin sa
kaniyang isipan na baka mas lalo itong magalit at mas lumaki pang lalo ang
parusang ibigay nito sa kaniya. Hinintay na lamang niya na matapos ang klase ni
Mr. Santiago upang sabay na itong pumunta sa kanilang lugar na pag-uusapan.
Nakayuko siyang nag-iisip sa
kaniyang upuan ng sandaling narinig niyang nagpapaalam na ang mga mag-aaral kay
Mr. Santiago, dali-dali siyang nag-angat ng mukha at kinalma ang sarili upang ‘di
mahalata ang takot na kaniyang ikinukubli.
Sa isang banda’y
naglabasan na ang mga mag-aaral sa kabilang silid at ng matantiya na ni Roland
na wala ng estudyante sa kabilang kwarto’y
lumabas ito. noon niya nakitang papalabas na rin si Mr. Santiago ng silid.
mabilis na kumabog ang kaniyang dibdib ngunit matapang pa rin ang mukhang ‘di
nagpapakita ng takot.
“Handa
ka na ba sa ating pag-uusap?” Tanong ni Mr. Santiago sa isang
mahinang tinig, ‘di
sumagot si Roland, nagpatuloy lamang ito sa paglakad.
Nang marating nila ang opisina’y
agad na binuksan ni Mr. Santiago ang pinto’t
tumuloy sa loob nito kasama si Roland. Lalong lumaki ang takot na kaniyang
nadarama ngayong sila na lang ang magkasama. Noo’y
mag-aalas-nuwebe na ng gabi pagkatingin niya sa kaniyang relo, maya-maya’y
nagsalita si Mr. Santiago.
“Hindi
naman siguro lingid sa iyo kung bakit kita pinatawag?”
Bungad na pananalita ng guro.
“Dahil
sa madalas kang mahuli sa klase ko, malaki ang naging epekto nito sayo at sa
pag-aaral mo.”
Tipong nangangaral ngunit naroon pa rin ang katigasan ng tinig.
Hindi nagsasalita si Roland, waring
hinihintay pa ang susunod na sasabihin ng guro.
“At
dahil sa ginagawa mong iyon, mukhang malabong makapasa ka sa klase ko Mr.
Solis!”
Ngayo’y
napalitan ng kakaibang takot ang nadarama niya, kung kanina’y
ang ikinatatakot niya’y ang mapagalitan ng guro, ngayon, ang
kaniyang lubos na ikinatatakot at ikinabigla ay ang mga sinabi nito sa kaniya.
“Si-sir,
hi-hindi na po ba pe-pwedeng magawan ng paraan?”
Tanong nito na halos magkabulol-bulol sa pagsasalita.
“Sana’y
naisip mo iyan nang mga araw na madalas kang wala sa aking klase! Wika ng guro. Walang ibang maisagot si Roland, gusto niyang magdahilan, na sabihin ang sitwasyon ng kanilang pamumuhay, ngunit naisip niyang maniwala man sa kaniya ang guro, hindi nito mababago ang katotohanang labas ang personal na buhay niya sa kung ano ang sitwasyon niya ngayon sa kaniyang pag-aaral.
Saglit na tila tumigil ang oras sa pagitan ni Roland at Mr. Santiago, wala ng masabi pa ni isang salita si Roland nang...
Ngunit, mayroon akong isang alam na solusyon para makapasa ka sa
klase ko Mr. Solis.”
Nabigyan ng pag-asa ang kanina’y
nanlulumong mundo ni Roland, naisip niyang kung babagsak siya’y
mawawala na ang tiwala at pag-asa ng kaniyang mga magulang na siya nga ang
pag-asa ng kanilang pamilya, natatakot siya na baka hinid na niya matupad ang
pangarap ng kaniyang mga magulang para sa kaniya at ang pangarap ng mga ito
para sa kaniyang magandang kinabukasan.
At ngayon, labis ang kaniyang
pasasalamat dahil binigyan pa siya ng pag-asa at isang pagkakataon ng kaniyang
guro para makapasa. Kung anoman ang ipagagawa sa kaniya ni Mr. Santiago ay
kaniyang gagawin, hindi na niya sasayangin pang muli ang pagkakataong minsan pa’y
ibibigay sa kaniya. Sisiguruhin niyang hindi mababalewala ang lahat ng
paghihirap ng kaniyang mga magulang para lang mapagtapos siya ng pag-aaral.
“Magandang
lalaki ka naman, matikas at sino’ng babae ang hindi maaaring magkagusto
sa’yo.”
Sabi ni Mr. Santiago.
Noo’y
malinaw na kay Roland ang nais ipagawa sa kaniya ni Mr. Santiago, nagkaroon ng
malaking pagtatalo sa kaniyang isipan at pagpili sa kaniyang gagawing desisyon.
Nakasalalay ngayon sa kaniyang mga
kamay ang pagpili, ang bumagsak ng may dangal o pumasa na wala nito.
Naguguluhan siya, at minsan pa’y nagtanong sa kaniyang isipan, ano’ng
mawawala sa akin, dangal, puri at dignidad? Aanhin ko pa ba ang mga iyon, wala
namang makaaalam sa gagawin ko.
Sandali siyang napahinto sa
pag-iisp, nabuo sa kaniyang isipan, isang desisyong magtutulak sa kaniyang
inaalagaang kinabukasan. Ngayo’y handa na siya, nakahanda na ang
kaniyang kalooban sa mga mangyayari.
Habang lantay pa ang gabi, lumisan ang mga liwanag sa silid na iyon, mumunting pusikit na sinag na
nagmumula sa buwan na lamang ang tumatagos sa kanilang kinaroroonan.
Sa gitna ng dilim, mga unggol ng
pantasyang nabuo sa kaniyang isipan, romansang kailanman ay ‘di
niya naisip na maagang maiaalis sa kaniya, isang leksyon na indi sa klase
nagaganap, hindi kinabibilangan ng maraming mag-aaral, mga luha ang tanging
saksi sa gabing iyon ng kanilang malayang pagsasanib.
Mag-aalas-onse na nang gabing iyon
ng makarating si Roland sa kanilang tahanan, gising pa ang kaniyang Ina na
naghihintay sa kaniyang pagdating. Agad na pumasok sa kanilang c.r.,
hawak-hawak ang tabong pambuhos ng tubig sa kaniyang katawan may bahid ng karumihan
at kadustaan.
Naroon sa kaniyang puso’t
isipan, nag-aapoy na galit at rebolusyon, paghihimagsik ng kaniyang damdamin sa
kamusmusang maagang kinuha sa kaniya.
Matapos ang paglilinis, handa na
siyang matulog, humiga siya, isang tinig ang kaniyang narinig.
“Anak,
kumain ka na ba?”
Tanong ng kaniyang Ina sa tinig na nag-aalala.
Sa ‘di
masabing karanasan, naisagot niya na lang... “bukas
na lang po, maaga pa ang pasok ko.
Huwebes, Abril 16, 2015
Paunang Saboy Ng Symbolic Violence
Makalipas ang ilang taon ng aking pananahimik sa pagsusulat ng mga kaisipan sa papel, at sayangin ang tinta ng aking mga bolpen, narito akong muli upang simulan ang isang larangan tatasa sa aking pagkamalikhain at masining na pag-iisip.
Noong unang nagsisimula pa lamang ako sa pagsusulat ng aking mga kaisipan at isatinig ito sa pamamagitan pagsipat ng mga salita, natakot ako sa kaisipang hindi ko linya ang pagsusulat, at baka hindi ako makagawa ng kahit isa man lang na akda na maaaring pumukaw sa interes at panlasa ng mga mambabasa.
At ngayong sinisimulan kong muli ang pagsipat ng mga salitang sasapat sa aking panulat, gusto kong kumatha ng mga kaisipang noon ko pa sana isinulat sa maliit na piraso ng papel, mga istoryang nabigyan ng buhay at kulay na noon pa naghihintay ng hustisya na masimulan at matapos, mga sanaysay na may malayang konsepto na matagal nang naghihintay sa pagkakataong maisalarawan, mga nobelang kayhirap simulan na may madudugong tagpo, romansa, realidad at sining na pwedeng ibenta sa publisher at kung papalarin, sana'y sumikat ang aking pangalan, at higit sa lahat, 'yung mga kaisipan at konseptong bigla na lang mapa-pop out sa isip mo na talaga namang maganda na kapag hindi mo naisulat ay makalilimutan mo na ng tuluyan.
Tsaka mo lang maiisip na kapag lumipas na ang mga oras na isinulat mo sana ang mga kaisipang iyon, doon mo lang mapagtatantong nakagawa kana pala ng isang maganda at makabuluhang katha.
Sa pagbabalik ko sa larangan ng pagsulat, layunin kong bigyan ng "strong beginning" ang bawat simula ng aking magagawang katha, sangkapan ng detalye at ideya ang katawang kinakailangan sa "pure middle" at tapusin ang mga ito upang bigyan ng hustisya bilang isang 'logical ending".
Ito ang aking simula, ito ang paunang saboy... ng Symbolic Violence!
Mag-subscribe sa:
Mga Komento (Atom)