Pangarap ni Romel ang maging isang Segment Producer sa
kanilang kumpanya. Alam niya at malinaw sa kaniya noon pa man kung ano ang nais
niyang maabot nang siya’y maging empleyado sa kanilang kumpanya.
Ngunit sa kaniyang posisyon ngayon sa kumpanyang
pinapasukan, masasabi niyang pangarap ngang maituturing ang pag-abot sa
kaniyang minimithing trabaho. Halos isang taon na rin siyang nagtatrabaho bilang
isang Production Assistant—trabahong ni minsan ay hindi niya naisip na gagawin
niya matapos siyang mag-aral.
Dahil nga nagtapos ng Cum Laude sa kanilang sintang
paaral na Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman si Romel, dala-dala niya ang
titulong pagkakakilanlan niya noong siya ay nag-aaral pa. Kaya ni sa hinagap ay
hindi lubos maisip na bilang isang Production Assistant ang gagampanan niyang
trabaho sa kanilang kumpanya.
“Okay na rin ito kaysa walang trabaho, marami nga ang
nagtapos dyan na tulad ko pero iilan lang talaga sa amin ay may matinong
trabaho” pampalubag loob na sambit sa kaniyang sarili.
Ngunit sa puso’t isip niya, nagtatalo ang mga kaisipang
dapat sana’y nasa mas magandang posisyon at yung gusto niyang trabaho ang
ginagawa niya kaysa kung ano ang kaniyang ginagawa sa kasalukuyan.
Utos dito, utos dyan… reklamo dito, sigaw at bulyaw dyan…
kaliwa’t kanan may inaasikaso, ikaw ang tiga-takbo ng mga kakailanganing props
sa isang production, isa ka rin sa mga tiga-buhat ng mga mabibigat na gamit na
gagamitin sa production, tiga-bitbit ng mga dalahin ng mga host o kung sinomang
artista ang kasama sa set—ang buhay niya’y umiikot ngayon sa ganitong uri ng
gawain.
Matrabaho, mabigat dalhin, minsan nama’y magaan ngunit
madalas, talagang naging bahagi na rin yata ng trabaho ni Romel ang magdala ng
sama ng loob dahil sa mga katrabahong hindi niya kapalagayan ng loob. Bukod dito,
naging parte na rin ng kaniyang pang-araw-araw na gawain ang magbaon ng
mahabang pisi ng pasensya at malalim na pang-unawa sa mga katrabaho.
“Romel, pakihugasan mo nga itong plato ko… at dalhin mo
sa opis ko” utos ng kaniyang bisor.
“Opo ma’am” magalang na sagot niya.
Walang hindi na hihindiang trabaho, isa sa mga bagay na
nawala sa pagkatao ni Romel, dahil lahat ng trabaho madalas siya ang gumagawa,
minsan nga’y kahit hindi niya trabaho ay sa kaniya pinapatapos at pinapatrabaho
bagay na labis na ikinasasama ng kaniyang kalooban.
“Romel, ikaw ang maghahatid ng show ngayon!” Ani ng isang
katrabaho
“Magdadala ako ng tape sa GMA” sagot niya
“E di isabay mo! Isa lang naman pupuntahan mo di ba?
Hintayin mo na lang na matapos yung show para sabay mo ng maihatid!” mataas na
tonong sambit ng katrabaho
Hindi na nakaimik, mamumuo ang pagkabuyong nadarama sa
katrabaho, ngunit wala siyang magagawa kundi ang sumunod sa utos ng reyna ng
kanilang team.
“Romel, di ba ikaw ang gumawa ng CBB na ‘to? Bakit
mali-mali itong ginawa mo?” Ani ng isa pang katrabaho
“Ibinigay ko ng maayos ‘yan sa editor ng show e” sagot
niya
“E bakit mali?” Inis na tanong ng katrabaho
“Di ko alam e, basta ibinigay ko ng tama ‘yang CBB sa
editor” sagot niya
“Ayusin mo ‘yan! Trabaho mo hindi mo ginagawa ng maayos! Ang tagal na nito ha?”
bulyaw ng kaniyang katrabahong nangangalaiti sa galit.
Hindi na nagawang ipagtanggol pa ni Romel ang kaniyang
sarili sa hari ng kanilang team, naisip din niya kahit papaano na baka ang katrabahong iyon ang nasisi
sa pagkakamali na naganap.
Mali bang hindi ko ipagtanggol ang aking sarili sa mga
sinasabi nila? Mali ba na lumalabas na parang ako nalang lagi ang sumasalo sa
pagkakamali at galit ng ibang tao? Ako lang ba may mali? Saan ako lulugar? Ano’ng
gagawin ko para matapos na ang lahat ng ito? Mga tanong na isa-isang lumalabas
at pilit na kumakawala sa bugbog na isipang pagod na sa kaiisip ng mga taong
dapat pagpasensiyahan at unawain.
Maya-maya pa’y isang katrabaho na malapit sa kaniya at
maituturing na kaibigan ang lumapit ang pumawi sa tila apoy na isipang naghihimagsik.
“Uy Romel, kumusta? Kailan ka papanik?” Tanong ng
kaniyang katrabaho
“Di ko pa alam e, wala pa akong kapalit, sabi kasi ni Ma’am,
di raw ako pwedeng umakyat hanggat wala pa akong kapalit.” Sagot niya sa
ka-opisina.
“Ganun? Paano ‘yan? Maghanap kana ng kapalit mo!” Ani ng
katrabaho
“Para ngang ayoko ng umakyat e.” Sagot nito
“Bakit naman? Ayaw mo na bang maging researcher? Tanong ng
kaibigan na may pag-aalala sa kaniyang tinig.
“Nito lang kasing mga nakaraang araw, parang nawawalan
ako ng gana sa mga ginagawa ko, parang nawalan ako ng tulak… ng kasiyahan sa
mga bagay na ginagawa ko. Pakiramdam ko kasi parang pagod na pagod na ako.”
Sagot niya sa mahina at malamlam na tinig.
“Napagod ka ba sa kahihintay?” Tanong muli ng
nag-aalalang kaibigan
“Hindi. Parang biglang ayaw ko nalang.” Sagot nito
“Baka nga pagod ka lang at kailangan ng break.” Sabi ng
kaibigan
“Baka nga.” Sagot niya
Nagtapos ang kanilang pag-uusap na naiwian pa rin ang
katanungang tumatakbo ngayon sa isip ni Romel.
“Kung kailan ko naman maabaot na ‘yung hakbang patungo sa
pangarap ko tsaka ko naman parang gusto ng bitiwan ‘yung kung ano ‘yung matagal
ko nang pinanghahawakan.” Sambit ni Romel sa kaniyang isipan.
Sa di maipaliwanag na nadarama, sandaling ipinahinga ni
Romel sa isipan, ninanamnam ang malakas at nanunuot sa balat na hanging nagmumula sa air conditioner
na nakatutok sa kaniyang likod. Ang samo’t saring tunog at ingay na likha ng
yabag ng tao, pag-uusap at pagdadaldalan ng mga ka-opisinang kumakain sa
kanilang pantry, bagsak ng pinto, tunog sa pagtipa ng keyboard ng computer,
musika na naririnig sa youtube, paghilik ng natutulog na katrabaho—dinadama na
siya’y kabilang pa sa mundong ginagalawan. Dinadama na siya’y bahagi pa rin ng
kalikasan.
Sa kaniyang pagninilay-nilay, isang pamilyar na boses ang
sa kaniya’y tumatawag.
“Romel… Romel… pa-view naman ng show” tawag ng isang
editor
“Sige po, nandyan na po ako.” Sagot niya na umaasang
maagang matatapos ang show.